-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Hindi talaga maiiwasan na mapa-ahem kung may parang nakabara o nakasabit sa lalamunan mo. Pero kung madalas itong nangyayari at nauuwi pa sa pag-ubo, lalo na kung smoker ka, dapat na sigurong magtaka. Baka kasi ang pesteng ahem na ito ay simula na ng chronic bronchitis.
Ano ang chronic bronchitis?
Isa ang chronic bronchitis sa mga pangkaraniwang uri ng bronchitis, o ang pamamaga ng breathing tubes na kilala bilang bronchi. Ang pamamagang ito, ayon sa Johns Hopkins Medicine, ay nagdudulot ng sobrang paggawa ng plema at iba pang pagbabago sa lalamunan.
May paliwanag si Dr. Geraldine DC Garcia, isang pulmonologist, tungkol sa chronic bronchitis at iba pang bagay na may kinalaman sa ubo sa kanyang online talk na Usapang Lung: Chronic Cough. Posted ito sa Facebook page ng Philippine College of Chest Physicians.
Hindi raw tulad ng acute bronchitis na panandalian lang ang pamamaga ng bronchi (basahin dito), pangmatagalan at mas seryoso ang chronic bronchitis. Mga naninigarilyo rin daw ang kadalasang tinatamaan nito.
Lahad ni Dr. Garcia, “Pag tinignan mo ang medical history nila, may makabuluhang kasaysayan ng paninigarilyo. Halimbawa, 1 pack of cigarettes every day for 20 years. Makabuluhan iyon.” Diin niya pa na dapat iwasan ang paninigarilyo dahil marami itong naidudulot na mga sakit sa baga at sa iba pang parte ng katawan.
Mga sintomas ng chronic bronchitis
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWKung smoker ka, mainam daw na maging alerto sa mga nararamdaman at pagbabago sa pangangatawan. Sabi nga ni Dr. Garcia, “Magsisimula ’yan sa pesteng ahem-ahem. Pagdaan ng mga araw, wala ng tigil ang pag-ubo. Imbes na paminsan-minsan, araw-araw na. Pag gising mo, may plema.”
Dagdag niya, “Mapapansin mo na ’yong mga dating kaya mong gawin, halimbawa, naglalakad ka sa landas na pataas. Sasabihin mo, ‘Hindi, nagkakaedad na ako.’ Pero kung itatapat kita sa taong kaedad mo na hindi naninigarilyo, kaya niya. Ibig sabihin, may epekto ang paninigarilyo sa iyong functionality, o sa mga kaya mong gawin.”
Bukod sa pesteng ahem, na kilala rin bilang smoker’s cough, may iba pang sintomas na dapat bantayan, ayon pa sa pulmonologist.
Pabalik-balik na ubo
Kung pabalik-balik ang ubo sa loob ng anim na buwan o higit pa, dapat ka na raw mag-alala, lalo na kung puno ito ng plema.
Madalas magka-impeksyon sa baga
Dahil humihina ang iyong baga, malimit ka na raw magkaroon ng impeksyon o frequent respiratory infections.
Hirap sa paghinga
Dahil hirap ka na rin sa paghinga, hindi ka na makadepende sa diaphragm para makalanghap ng hangin. Kakailanganin mo na raw ang tulong ng ibang muscles, kaya akyat-baba ang iyong balikat, habang gumagalaw ang muscles sa likuran.
May paghuni ang paghinga
Mapapansin mo na parang humuhuni ka na gaya ng ibon. Wheezing ang tawag dito.
May kapayatan
Kasabay ng paglala ng iyong kondisyon ang pagbagsak na iyong katawan. Mapapansin din ito ng ibang tao at malamang na sabihan kang pumapayat.
Paano magagamot ang chronic bronchitis?
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosMahigpit na bilin ni Dr. Garcia na magpatingin sa doktor kung may nararamdaman ka ng mga sintomas. Malaki raw kasi ang tyansa na mayroon ka na talagang chronic obstructive pulmonary disease (COPD).
Ito raw ay ang pangmatagalang pagbabara ng daluyan ng hangin sa baga. Isang uri ng COPD ang chronic bronchitis, at emphysema naman ang isa pa.
Sabi ni Dr. Garcia, isinusulong nilang mga doktor ang pagbibigay ng pulmonary function test sa kanilang mga pasyente. Kapag kumuha ka nitong test, ganito raw ang pagdadaanan mo: “Dito, may makina na bubugahan ka. Susukatin ng makina ang buga mo, kung mababa o mataas, ’tapos bibigyan ka ng inhaler. Bronchoinhaler kung tawagin.
“’Tapos uulitin ang test. Kapag hindi bumaba at hindi pa gumanda ang resulta, COPD na po ang iniisip namin, either chronic bronchitis o emphysema.” Kapag napatunayan ang sakit, bibigyan ka ng inhaler therapy at pulmonary rehabilitation. Pagbabawalan ka na ring manigarilyo. (Basahin dito kung paano palakasin ang baga.)
0 Comments