-
Editor’s Note: Mahalaga na kumonsulta sa iyong doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo. Palaging humingi ng payo ng isang doktor at nutritionist pagdating sa diet o exercise kung buntis, kapapanganak lang, o breastfeeding.
Pagkatapos manganak, kadalasang nakakaranas ang bagong nanay ng tinatawag na “low period.” Dulot daw iyan ng pagbagsak ng hormones na sadyang napakataas noong buntis pa. Kaya raw nagkakaroon ng baby blues syndrome.
Ano ang baby blues syndrome?
Tinatawag na baby blues ang “feeling of sadness” na nararamdaman ng isang babaeng kapapanak lang, ayon sa Merriam-Webster dictionary. Hindi raw ito sakit (illness) o kahit pa psychiatric diagnosis, sabi naman ni Jackie Ganley, ang may akda ng librong Becoming a Parent: The Emotional Journey Through Pregnancy and Childbirth (Family Matters Book 5).
Paliwanag pa ni Ganley, baby blues ang simpleng termino na ginagamit ng mga tao para maisalarawan ang hindi kagandahang damdamin (unpleasant feelings) na dumadating pagkatapos manganak at umaayos naman pagkaraan ng ilang araw.
Mga sintomas ng baby blues syndrome
Kung new mom ka at nakakaramdam ng negative feelings o di kaya mood swings, huwag masyadong mag-alala. Tinatayang mula 70 hanggang 80 percent ng new moms ay may kapareho mong karanasan, ayon sa mga eksperto mula sa American Pregnancy Association (APA).
Sabi pa nila, wala pang direktang sanhi ng baby blues, pero malamang daw na malaki ang kinalaman ng hormones. Bigla rin daw sumusulpot ang mga sintomas nito sa loob ng apat hanggang limang araw pagkatapos manganak. Pero depende pa rin daw iyon sa mga pangyayaring naganap sa panganganak.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWPuwede rin kasing mas maaga mong mabatid ang mga senyales. Kabilang diyan ang:
- Pagiging iyakin o pagluha ng walang malinaw na dahilan
- Pagkairita at pag-iksi ng pasensya
- Hindi mapalagay at kaagad nababalisa (anxiety)
- Hirap makatulog sa gabi kahit tulog na ang inaalagaang sanggol
- Sobrang pagod
- Malungkot
- Pabago-bago ang mood
- Hirap sa concentration
Paano malalabanan ang baby blues syndrome?
May paliwanag si Dr. Theresa Castillo-Masilungan, isang clinical psychologist, tungkol sa pagkakaiba ng baby blues kumpara sa postpartum depression. Aniya sa panayam niya dati sa SmartParenting.com.ph, nagkakatalo ang dalawang iyon sa “duration, severity of the symptoms, and the factors that cause them.”
Parehas daw nagsisimula ang baby blues at postpartum depression ilang araw pagkatapos manganak. Pero tumatagal lang ang baby blues sa loob ng ilan pang mga araw o di kaya linggo basta bumalik sa normal levels ang hormones. Samantala, mas tumatagal at gumagrabe ang postpartum depression dahil hindi lang hormones ang sangkot bagkus may iba pang problema (basahin dito).
Nagbigay ng mga payo si Dr. Castillo-Masilungan upang malabanan ang baby blues at hindi na humantong pa sa postpartum depression. Magagawa mo raw ito kahit walang professional help. Kailangan mo lang ang tulong ng iyong asawa o partner at iba pang miyembro ng pamilya, pati na ang iyong mga kaibigan.
Maaari ka raw nilang tulungan sa mga gawaing bahay at pag-aalaga kay baby para naman magkaroon ka ng mas maraming oras magpahinga. Kailangan mo rin daw kasi ng “Me-time” upang makapag-exercise at gawin ang iba pang bagay nagpapasaya sa iyo.
Malaking tulong din daw na makipagkuwentuhan ka sa mga kaibigan at maging bukas sa iyong mga nararamdaman upang gumaan ang iyong pakiramdam. Kapag raw masyado kang tutok sa pagpapasuso at pag-aaalaga sa anak, maaaring makalimutan mo na ang iyong sarili at sariling pangangailangan.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosMay mga suhestiyon rin ang mga eksperto, tulad ng pagbibigay sa iyong sarili ng panahon para makabawi sa pinagdaanang pagbubuntis at panganganak. Huwag daw masyadong umasam ng perfection sa lahat ng gagawin, lalo na kung first-time mom ka. Subukan din daw na gumawa ng journal, kung saan mo isusulat ang lahat ng iniisip at nararamdaman.
Makakatulong din daw ang pagkakaroon ng “well-balanced diet” para mabawasan at maiwasan ang baby blues syndrome. Kapag daw kasi panay junk food ang kinakain mo na simple carbohydrates lang ang laman, malamang lumala ang mood swings mo. Mainam daw na dagdagan ang Omega-3 fats sa iyong diet. Mayaman sa ganyang nutrisyon ang mga isda, tulad ng sardinas, tuna, at salmon.
0 Comments