-
Editor’s Note: Mahalaga na kumonsulta sa iyong doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo. Palaging humingi ng payo ng isang doktor at nutritionist pagdating sa diet o exercise kung buntis, kapapanganak lang, o breastfeeding.
Walang duda na napakahalaga ng tubig hindi lang bilang inumin ng mga tao bagkus sa pangangailangan ng lahat ng may buhay. Ang tanong lang ng mga nagbabalak magpapayat ay kung nakakataba ba ang malamig na tubig.
May paniniwala kasi ang karamihan na hindi dapat uminom ng malamig na tubig habang at pagkatapos kumain para hindi raw maantala ang panununaw (digestion). Dapat mainit na tubig o tsaa, gaya ng hinahain sa Chinese o Japanese restaurant, para raw sa mas madali at maayos na digestion.
Imbes na nakakataba, nakakapayat daw ang pag-inom ng malamig na tubig
Noong 2006, nailathala sa The Journal of Clinical Endocrinology and Metabolism ang isang pag-aaral na nagsasabing nakakatulong ang pag-inom ng malamig na tubig para pumayat. Wala naman daw kasing calories ang tubig, kaya mainit man o malamig, hindi ito makakadagdag sa timbang.
Ayon pa sa pag-aaral, nakakataas ng metabolic rate ang pag-inom ng malamig na tubig. Kapag daw kasi pumasok ang malamig na tubig sa katawan mo, ang carbs at fat mula sa iyong kinain ay nasusunog para gumawa ng energy. Ang energy na iyon ang gumagawa naman ng heat para bumalanse ang temperatura ng core body system.
Pero may pasubali ang dietician na si Andrea Tappe mula sa The University of Arkansas for Medical Sciences (UAMS). Aniya, kung ang hangarin mo talaga ay magbawas ng timbang at magsunog ng mas maraming calories, mas intindihin mo raw ang iyong kinakain kaysa temperatura ng iniinom.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWPaliwanag ng dietician na 8 calories lang ang nasusunog ng pag-inom ng isang basong malamig na tubig, kumpara sa isang basong tubig na nasa room temperature. Ang basal metabolic rate, na siyang nagpapaandar ng body organs, ang responsable sa pagsunog ng 70% ng calories. Ang physical activity naman para as 20% at ang digestion sa natitirang 10% ng calories.
Sabi pa ng dietician, posibleng nagmula ang ideya na nakakasunog ng mas maraming calories ang malamig na tubig sa paniniwalang kailangan ng katawan na gumawa ng energy para uminit ito.
Bagamat totoo raw na tataas ang temperatura sa katawan, ang masusunog lang daw nitong calories ay 8 calories. Isang maliit na pickle lang daw ito kung tutuusin. Samakatuwid, kaunting tulong lang ang naibibigay ng pag-inom ng malamig na tubig para magbawas ng timbang. Pero hindi mo na kailangang magtaka kung nakakataba ba ang malamig na tubig.
Mga benepisyo ng pag-inom ng sapat na tubig
Paalala ng mga eksperto na kailangan ng katawan ang tubig hindi lang para magbawas ng timbang. Sabi nila sa Harvard Medical School, maraming naibibigay at nagagawa ang tubig sa katawan, tulad ng:
- Pagdala ng nutrients at oxygen sa cells
- Pagtanggal ng bacteria mula sa pantog (bladder)
- Pagtulong sa digestion
- Pagkontra sa constipation
- Pagiging normal ng blood pressure
- Pagkalma ng heartbeat
- Pananggala para sa joints
- Pagprotekta sa organs at tissues
- Pag-regulate ng body temperature
- Pagmintina ng electrolyte (sodium) balance
Kapag daw nabibigyan mo ng sapat na tubig o fluids ang iyong katawan, nagagawa nito nang maayos ang mga tungkulin at napapanatili kang hydrated. Nagiging tuyot o dehydrated ka naman kung kulang ka sa tubig o fluids.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosMalalaman mo raw na dehyrated ka kung:
- Madali kang manghina
- Bumababa ang blood pressure
- Madalas kang mahilo at malito
- Maitim ang ihi
Gaano karami dapat ang inuming tubig
Nakalakihan na ang pag-inom ng walong basong tubig kada araw. Pero sabi ng mga eksperto, walang isang tamang dami para sa lahat ng tao. Depende raw iyan sa pangangatawan at pangangailan ng isang tao.
Kung may health o medical concerns ka, mainam daw na komunsulta muna sa doktor kung balak bawasan ang pag-inom sa takot na nakakataba ba ang malamig na tubig. Baka kasi makaapekto iyan sa iyong kalusugan.
0 Comments