Cervical Cancer (Kanser sa Kwelyo ng Matris)

  • Ang cervical cancer ay isang uri ng cancer na nakakaapekto sa cells ng cervix, ang ibabang parte ng uterus (matris) na nakadikit o naka-connect sa vagina. Sa Tagalog, tinatawag din ang cervix na kwelyo ng matris.

    Halos lahat ng kaso ng cervical cancer ay dulot ng iba-ibang strains ng HPV o human papillomavirus, na madalas na naipapasa sa pamamagitan ng sexual intercourse. Kadalasan, kung malusog ang immune system, kaya nitong labanan ang HPV at hindi na natutuloy sa cancer.

    Kaya lang, sa ibang tao, nagsu-survive ang virus sa loob ng mahabang panahon. Dahil dito, nababago ang structure ng ibang cervical cells at nagiging cancer cells ang mga ito.

    Ang cervical cancer ang pang-apat na pinaka-common na cancer sa mga kababaihan. Sa katunayan, noong 2018, merong nai-record na halos 570,000 kababaihan na nagkaroon ng sakit na ito. Sa kasamaang palad, halos 311,000 sa kanila ang nasawi.

    Ang magandang balita naman ay meron nang vaccine laban sa HPV para maiwasan ang cervical cancer at iba pang mga sakit na naidudulot ng virus na ito. Meron ding mga screening para ma-detect ang cervical cancer at mabigyan ng treatment ang pasyente.

    Mataas ang chances ng isang babaeng may cervical cancer na gumaling sa sakit, lalo na kung na-diagnose ito nang maaga at nagamot agad. Kung late nang na-diagnose ang cervical cancer, pwede pa ring gumaling ang pasyente basta’t mabibigyan ng sapat at tamang gamot at alaga.

    Iba’t-ibang characteristics at sintomas ng cervical cancer

    Ang malaking problema sa cervical cancer ay wala itong pinapakitang sintomas kapag nasa early stages pa lang. Kaya naman ine-encourage ng mga doktor na magpa-pap smear ang mga kababaihan kada tatlong taon kapag nag-21 years old na sila. Kapag naman 30 hanggang 65 years old na, bibigyan ka ng rekomendasyon ng doktor kung ano ang mga test na pwedeng gawin at kailan ito gagawin.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW
    • Kung normal ang resulta ng pap smear, after three years na ulit ang susunod na test.
    • Kung normal ang resulta ng HPV test, pagkatapos ng five taon ang susunod na screening.
    • Kung nag-co-testing (sabay ang pap smear at HPV test) at normal ang resulta, after five years na ang susunod na co-testing.

    Samantala, kung advanced na ang cervical cancer, pwedeng maranasan ng pasyente ang mga sumusunod na sintomas:

    • pagdurugo ng ari pagkatapos ng sexual intercourse
    • pagdurugo kahit tapos na ang period o kahit menopause na
    • matubig o madugong vaginal discharge na may hindi magandang amoy
    • madalas na pananakit ng balakang
    • pananakit ng ari habang nakikipag-sex

    Kung may pagbabago sa vaginal discharge o nagkaroon ng abnormal bleeding, magpakonsulta agad sa doktor para makapagpa-test at malaman kung cervical cancer ba ang nagdudulot ng mga sintomas na ito o ibang sakit.

    Mga pwedeng gamot sa cervical cancer

    Merong apat na klase ng treatment para sa cervical cancer. Ito ang surgery, chemotherapy, radiation therapy, at targeted therapy. Pwedeng pagsabayin ang iba sa mga treatment na ito, depende sa kondisyon ng pasyente.

    Surgery

    Para sa mga nasa early stage pa lang ang cervical cancer, mas magandang sumailalim na lang sa operasyon ang pasyente kaysa chemo o radiation therapy. May iba-ibang uri ng surgery na pwedeng gawin, depende sa laki at dami ng cancer cells. Kung gusto pa ng pasyente na magka-anak in the future, meron ding klase ng operasyon para rito.

    • Merong surgery na ang mismong parteng apektado ng cancer lang ang tatanggalin, para mapanatiling intact ang cervix. Meron ding tinatawag na trachelectomy, kung saan tatanggalin ang buong cervix. Mas okay ang dalawang procedure na ito para sa maliit na cancer at para sa mga pasyenteng may plano pang magbuntis.
    • Samantala, ang hysterectomy naman ay isang surgical procedure kung saan tinatanggal ang cervix, uterus, bahagi ng vagina, at mga kulani (lymph nodes). Maganda itong solusyon para matanggal ang cervical cancer at maiwasan ang recurrence. Kaya lang, dapat pag-isipang mabuti ng pasyente kung ito ang gusto niyang treatment dahil hindi na siya pwedeng mabuntis pagkatapos ng hysterectomy.
    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Chemotherapy

    Isa ang chemotherapy sa mga pinakakilalang treatment para sa iba-ibang uri ng cancer, kasama na ang cervical cancer. Gumagamit ito ng mga gamot na may halong chemicals na may kakayahang pumatay ng cancer cells. Merong mga chemotherapy pills na iniinom na parang pangkaraniwang gamot ang itsura, at meron din namang chemotherapy drugs na idinadaan sa IV. Kapag malala na ang cancer, minsan ay pinagsasabay ang pills at IV treatment.

    • Minsan din ay pinagsasabay ang chemotherapy at radiation therapy o kaya naman ay tinataasan ang dosage ng chemotherapy drugs kung talagang malubha na ang kaso ng cervical cancer.

    Radiation therapy

    Sa radiation therapy, gumagamit ng high-powered energy beams katulad ng proton beam o x-ray para patayin ang cancer cells. Pwede itong gawin sa labas ng katawan, kung saan itinututok ang radiation beam sa parte kung nasaan ang cancer. Sa kaso ng cervical cancer, itatapat ang radiation beam sa bandang puson.

    • Pwede ring internal o brachytherapy ang gawin para mas direkta ang epekto ng radiation sa cancer cells. Sa procedure na ito, may ipinapasok na device na naglalaman ng radioactive material sa vagina. Minsan, pinagsasabay din ang external at internal radiation therapy.
    • Kapag advanced na ang cervical cancer, pwede ring pagsabayin ang radiation therapy at chemo. O kaya naman, pagkatapos ng chemo, sasailalim naman sa radiation ang pasyente para mapababa ang risk ng relapse o recurrence.
    • Tandaan lang na pwedeng magdulot ng menopause ang radiation therapy. Kung may balak pang magka-anak ang pasyente pagkatapos ng treatment, pwede muna niyang ipa-preserve ang kanyang egg cells bago simulan ang radiation.
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Targeted therapy

    Ang targeted therapy ay isang procedure na tina-target ang kahinaan ng cancer cells para patayin ang mga ito. Meron ding bagong gamot na tinatawag na bevacizumab na pinpigilan ang pagtubo ng bagong blood vessel sa cancer cells. Kapag naubusan ng supply ng dugo ang mga cell na ito, hindi na sila makaka-survive.

    • Kung nasa late stages na ang cervical cancer, pwedeng irekomenda ng doktor and targeted therapy kasabay ng chemotherapy.

    Pwede ring bigyan ang mga cancer patient ng immunotherapy para matulungan ang immune system na labanan ang cancer.

    Madalas kasing nagpo-produce ang cancer cells ng proteins na masyadong “kamukha” ng normal cells kaya nahihirapan ang katawan na ma-detect ang sakit. Kung hindi effective ang mga nabanggit na treatment sa itaas, isang magandang option ang immunotherapy.

    Mga sanhi at risk factor ng cervical cancer

    Kagaya ng nabanggit kanina, HPV ang kadalasang sanhi ng cervical cancer. Maraming uri ng HPV, pero kaunti lang ang nagdudulot ng cervical cancer, kasama na rito ang HPV-16 at HPV-18.

    Mahalagang tandaan na madaling maipasa ang HPV through sexual intercourse. Pero dapat ding tandaan na hindi lahat ng carrier ng HPV ay nagkakaroon ng cancer. Kung malusog ang immune system, kaya nitong labanan ang HPV at kusang mawawala ang virus sa katawan sa loob ng isa o dalawang taon nang hindi nagkakasakit ang carrier.

    Dahil dito, merong mga eksperto na nagsasabing may contribution din ang lifestyle choices at ang kapaligiran kung mauuwi ba sa cervical cancer at iba pang sakit ang HPV.

    Ganun pa man, meron pa ring mga bagay na nagpapataas ng risk na magkaroon ang isang babae ng cervical cancer. Ilan dito ang mga sumusunod:

    • paggamit ng birth control pills na mas matagal sa 5 taon
    • kung nakapanganak na ng 3 o mas maraming beses
    • pagiging sexually active sa mas batang edad
    • maagang pagbubuntis (mas bata sa 17 years old)
    • pagkakaroon ng maraming sexual partners
    • family history ng cancer
    • paninigarilyo
    • pagkakaroon ng HIV o iba pang sakit na nagpapahina sa immune system
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Paano iwasan ang cervical cancer

    Ang pinaka-effective na paraan para maiwasan ang cervical cancer ay ang pagpapabakuna laban sa HPV. Pwede na itong ibigay sa mga may edad na 12 hanggang 26, pero minsan ay ibinibigay na ito as early as 9 years old.

    Kung lagpas na sa 26 years old, pwede pa ring magpabakuna hanggang sa mag-45 pero hindi na ito kasing effective. Kumonsulta muna sa doktor para malaman ang mga risk at benefit ng pagpapabakuna laban sa HPV sa mga edad na ito.

    Bukod sa HPV vaccine, may iba pang paraan para mabawasan ang risk ng pagkakaroon ng cervical cancer, katulad ng mga sumusunod:

    • paggamit ng condom o iba pang barrier kapag nase-sex
    • pag-iwas sa pagkakaroon ng maraming sexual partners
    • hindi paninigarilyo
    • pagpapa-pap smear at pagpapa-HPV test ayon sa schedule na sinabi ng doktor

    Tandaan na pwedeng magpa-vaccine laban sa HPV ang mga babae at lalaki, dahil hindi lang cervical cancer ang sakit na pwedeng maidulot ng HPV. Kasama sa mga sakit na ito ang genital warts, vulvar cancer, vaginal cancer, penile cancer, anal cancer, at rectal cancer.

    Iba’t-ibang uri at mga komplikasyon ng cervical cancer

    May dalawang klase ng cervical cancer: ang squamous cell carcinoma at adenocarcinoma. Ang squamous cell carcinoma ay tumutubo sa mga squamous cell (mga manipis at flat na cell) sa lining ng cervix. Ito ang mas common na uri ng cervical cancer. Ang adenocarcinoma naman ay nangyayari sa glandular cells na makikita sa cervical canal.

    • Kagaya ng nasabi kanina, maraming treatment para sa cervical cancer. Ganun pa man, kung hindi ito magagamot on time, pwede itong mauwi sa mga komplikasyon katulad ng:
    • matinding pananakit, lalo na kapag kumalat na ang cancer sa buto at iba pang bahagi ng katawan
    • blood clots, na pwedeng mauwi sa pulmonary embolism
    • sobrang pagdurugo
    • kidney failure, na dulot ng urine build-up
    • fistula, o ang pagkakaroon ng channel o canal sa pagitan ng vagina at bladder (pantog) na nagiging dahilan ng tuluy-tuloy na pagdaloy ng fluids mula sa vagina
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Pwede ring magdulot ng emotional distress at depression ang cervical cancer. Kung mangyari ito, kumonsulta sa mga mental health experts para mabigyan ng tamang treatment.

    Sources:

    Mayo Clinic, CDC, Healthline, World Health Organization, NHS

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments