Totoo Ba Na Puwede Kang Makulong Dahil Sa Utang? Narito Ang Advice Ng Isang Lawyer

  • May mga pagkakataong nagigipit kaya napipilitang mangutang. Ang problema kapag hindi makapagbayad ang nangutang at gigil na sa paniningil ang nagpautang. Kaya marami ang naghahanap ng legal advice tungkol sa utang.

    Ano ang sinasabi ng batas sa usaping utang?

    Nakasaad sa Section 20 ng Bill of Rights ng 1987 Saligang Batas ng Pilipinas (Constitution of the Republic of the Philippines) na: “No person shall be imprisoned for non-payment of debt.”

    Pero, sabi ni Atty. Ma. Paz Serafica-Cayabyab sa panayam niya sa SmartParenting.com.ph, hindi sa lahat ng pagkakataon ay walang nakukulong dahil sa utang. Aniya, “May mga pagkakataon na ang isang nangutang ay nakukulong kung may kaakibat itong talbog na tseke o panloloko.”

    Talbog na tseke pambayad sa utang

    Paliwanag pa ng abogada, “Kung ang isang nangutang ay nag-issue ng tseke bilang kabayaran sa kanyang utang at ito ay tumalbog. Siya ay maaring makasuhan ng violation of the Anti-Bouncing Check Law or B.P. 22.”

    Ayon sa Batas Pambansa Bilang 22, ang taong napatunayan ng korte na nag-issue ng tseke na kulang sa pondo kaya tumalbog ito ay nahaharap sa isa sa mga ganitong parusa:

    • Pagkakulong ng hindi bababa sa 30 araw pero hindi hihigit sa isang taon
    • Multa (fine) na hindi bababa pero hindi hihigit sa doble ng halaga ng tsekeng tumalbog, at hindi rin lalampas ng Php200,000
    • Parehong pagmumulta at pagkakulong na ipapataw ng korte (discretion of the court)

    Noong February 2020, may inihain na proposed legislation upang amendahan ang B.P. 22 o Anti-Bouncing Check Law. Layunin nito na pataasin ang “prescribed jail term” at tanggalin ang “maximum amount of fine” na ipapataw ng korte imbes na hatulan ng pagkakulong.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Panloloko para makautang

    Dagdag pa ni Atty. Serafica-Cayabyab, “May posibilidad din makulong ang isang nangutang kong siya ay gumamit ng credit card at siya ay nagpalit ng address, contact number, pati na ang employment o di kaya’y hindi totoo lahat ang nakasaad sa application niya sa credit card at ito ay ginamit niya at bigla na lang siyang naglaho.”

    Nagpaliwanag din ang abogada kung paano ang simpleng utang ay nagiging estafa: “Kung ikaw ay nangutang at sabay na nagbigay ng tseke at sinabi mo sa nagpautang na ito ay may pondo pero alam mo na walang pondo ito, closed account o hindi sapat ang laman ng iyong account para pondohan ang tseke.”

    Payo para sa nangutang

    Para hindi malagay sa alangin ang taong nangutang pero wala pa munang kakayahan na magbayad, payo ni Atty. Serafica-Cayabyab na magkipag-usap sa inutangan para makahingi ng mas mahabang panahon na makalikom ng pondo.

    Kung ang pinagkakautang naman ay ang bangko, tulad ng nagpatong-patong na credit card bill, ang legal advice tungkol sa utang ay humingi ng restructuring para bigyan ka ng sapat na panahon na ito ay mabayaran.

    Kumukuha kasi ang bangko ng third party debt collector na siyang nagpapadala ng demand letter sa nangutang at sila na ang mag-uusap kung paano ang settlement ng utang.

    (Makakahanap ka ng tips dito para makatulong na makaiwas sa pagkabaon sa utang.)

    Mga puwedeng gawin ng nagpautang

    Sa panig naman ng nagpautang, may payo rin si Atty. Serafica-Cayabyab para maproteksyonan ang iyong interes.

    • Siguraduhin na may kasulatan ang pangungutang
    • Nakasaad sa kasulatan ang interest rate at due date
    • Puwede ring humingi bilang requirement ng tseke mula sa nangungutang
    • Kapag hindi nagbayad ang nangutang, puwede kang magsampa ng kasong civil o criminal sa korte
    • Kung maliliit na halaga ang inutang, puwedeng magsampa ng reklamo sa Small Claims ng Municipal Trial Court
    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    (Puwede mo ring subukan ang tips sa paniningil sa utang dito.)

    Para mabigyan ka pa ng legal advice tungkol sa utang, mainam na makipag-usap ka sa iyong lawyer. Sa ganitong paraan, maaaring pumanatag ang iyong loob maging ikaw man ang nangutang o ang nagpautang. May batas na umiiral sa ganyang usapin o problema.

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments