-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Normal na makaramdam ng pagkabalisa o anxiety ang taong nasa gitna ng isang sitwasyon na puno ng stress, puwera na lang kung mayroon siyang anxiety disorder. Labis na takot ang bumabalot sa kanya at hindi niya mapigilan ang mga sintomas ng anxiety attack.
Ano ang anxiety disorder?
Ang pagkakaroon ng anxiety disorder ay hindi tulad sa simpleng nerbyos at pagkabalisa, ayon sa mga eksperto mula sa American Psychiatric Association (APA). Anila, may ilang uri ng anxiety disorder at ang grupong iyon ang “most common of mental disorders.”
Tinatayang halos 30% ng adults ang nakakaranas ng alin man sa anxiety disorder kahit minsan sa kanilang buhay. Nagugulo tuloy ang takbo ng kanilang buhay at naaapektuhan ang kanilang pagganap sa trabaho o eskuwela, pati na ang pakikitungo nila mga mahal sa buhay.
Ang magandang balita, sabi pa ng mga eksperto, nagagamot ang anxiety disorders at maaaring mamuhay nang normal at productive ang mga pasyente.
Mga sintomas ng anxiety attack
Nagbigay ng listahan ang Mayo Clinic ng mga kadalasang nararamdaman ng taong mayroong anxiety disorder. Kabilang diyan ang:
- Pakiramdam ng nerbyos, pagkabalisa, hindi mapakali, at pagiging tense
- Pangamba ng panganib, panic, o doom
- Pagbilis ng pintig ng puso at pagtaas ng heart rate
- Paghinga nang mabilis (hyperventilation)
- Pagpapawis
- Pangangatog ng katawan
- Panghihina o di kaya pagkapagod
- Hindi makapag-concentrate at iniisip lang ang nararamdamang pag-aalala
- Hindi makontrol ang pag-aalala
- Hirap makatulog
- Nakakaramdam ng gastrointestinal (GI) problems
- Iniiwasan ang ano mang nagbibigay ng anxiety
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMatinding anxiety attack
Ibinahagi ng isang mommy ang naranasang anxiety attack noong December 2020 sa isang Facebook post na naging viral. Pinahintulutan ni Mara Kereci ang SmartParenting.com.ph na maikuwento itong muli dito upang magsilbing paalala sa mga tulad niyang may anxiety disorder.
Pagbabalik-tanaw ni Mara sa pinaiksi niyang Filipino narration ng kanyang post: “December 19 ng hapon, pumunta ako sa isang coffee shop para mag-update ng planner. 8: 20 p.m., sinundo ako ng asawa ko, at habang papunta kami sa parking, pinag-usapan namin ‘yung dati kong kaibigan na nagdudulot sa ‘kin ng sakit ng ulo at pati damdamin kasi pinagkatiwalaan ko s’ya.
“No’ng nasa kotse na kami, nagsisigaw at umiiyak at pinaghahampas ko din ang ulo ko kasi di ko na makontrol ang sarili ko. Gustong-gusto ko na lang talaga mamatay, di ko na kaya ang sakit. ‘Tapos bigla na lang akong nahirapang huminga.
CONTINUE READING BELOWRecommended Videos“Nanigas ang aking panga pati na rin ang aking leeg. Biglang di ko na maigalaw ang buo kong katawan. Sinubukan kong sabihin sa asawa ko ‘yung nangyayari sa ‘kin kahit di ako masyado maintindihan kasi na lockjaw na ako.
“Dinala ako ng asawa ko sa hospital. Maraming tests ang ginawa sa ‘kin, kabilang na dun ang ECG at MRI. Sabi sa ‘kin ng doktor, okay naman daw ‘yung mga results ko. So tinanong ko s’ya kung okay naman pala ‘yung results, ano yung nangyari sa ‘kin?”
Sa nauna kasi niyang sinulat na English narration, sabi ni Mara nang madala na siya sa ospital habang tila paralisado ang kanyang katawan: “I overheard one of the staff told the other that it might be Mild Stroke!?! Then, my husband came back and he asked if they can just give me a relaxant. They said they couldn’t. They have to run some tests first.”
Nang makausap na niya ang doktor, ganito ang paliwanag sa kanya: “‘Yun daw ay tinatawag na Anxiety Attack at ang nangyari sa katawan ko ay tinatawag na CONVERSION DISORDER. Eto ay isang kondisyon na ‘yung iniisip mong stress ay nagiging pisikal na hindi maiipapaliwanag ng mga test results…Maaari kang mabulag, maparalisa at makaapekto ng iyong nervous system.”
Ibinahagi rin ni Mara ang lessons na kanyang natutunan sa dinanas na matinding anxiety attack. Aniya, huwag pabayaan ang mental health. Huwag din daw isipin ang perang gagastusin sa pagpapagamot at magpatingin na sa psychiatrist.
Payo pa niya sa kapwa na huwag nang hintayin pang mangyari sa kanila ang mga pinagdaanan niya. Makakatulong ang pagkonsulta sa doktor para malaman ang sintomas ng anxiety attack at matutunan kung paano pamahalaan ito.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW
0 Comments