-
Marami sa atin ang may kapamilya, kaibigan, o kakilala na pumanaw dahil sa sakit sa puso. Kadalasan, wala tayong kamalay-malay na inaatake na pala sila sa puso at kung may suspetsa man tayo, hindi natin alam kung anong gagawin bilang first aid sa atake sa puso.
Mga senyales ng atake sa puso
Ayon kay Dr. Orlando Bugarin, isang cardiologist, ang taong dumadanas ng atake sa puso (heart attack) ay may ganitong common symptoms:
- Pananakit ng dibdib (chest pain)
- Pagkabigat ng dibdib (chest heaviness) na parang dinadaganan ito ng hollow blocks kung severe heart attack
- Hirap huminga (difficulty in breathing)
- Sobrang pagpapawis nang malamig (cold sweat)
- Hinahabol ang hininga (shortness of breath)
- Nahihilo at nasusuka kung minsan
- Sinisikmura (gastric pain)
Risk factors ng heart attack
Ang huling senyales, sabi ni Dr. Bugarin, ay hindi karaniwang sintomas. Pero magsuspetsa pa rin na atake sa puso kung pasok ang pasyente sa risk factors:
- Edad 40s o 50s
- Smoker
- Diabetic
- Hypertensive
- Mataas ang cholesterol level
- May family history ng atake sa puso, lalo na kung ang namatay na kamag-anak ay wala pang 40 o 50 years old
Mga dapat gawin kung may kasama kang inaatake sa puso
Kung nagpapakita ng mga sintomas ang pasyente kahit wala sa isip mo na atake na iyon sa puso, kaagad mo siyang dalhin sa ospital. Ika nga ni Dr. Bugarin, “right away sa emergency room” ang destinasyon ng pasyente para masuri at masiguro na heart attack nga ang kaso.
“Time is very important,” diin niya. Tinatawag daw nilang mga doktor na “golden period” ang tatlong oras mula nang magkaroon ng atake sa puso. Kailangan daw sumailalim ang pasyente ng coronary angiogram at mabigyan ng thrombolytics. Pag lampas ng tatlong oras, magpapatuloy ang medical management sa pasyente.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWHabang papunta sa ospital, sabi pa ng doktor, maaaring painumin ang pasyente ng kanyang gamot, kung naresetahan na siya noon para sa sakit sa puso. Puwede rin daw painumin ang pasyente ng aspirin mula tatlo hanggang apat na tabletas.
Kung suwerteng nasundo kaagad ang pasyente ng ambulansya, mabibigyan siya ng nitrate oxygen at lalaki ang tyansa na maligtas sa kapahamakan. Pero kung bigla siyang nag-cardiac arrest, kailangan na ng first aid sa atake sa puso.
Pagkakaiba ng heart attack at cardiac arrest
Madalas na inaakalang magkapareho at iisa lang ang heart attack at cardiac arrest, ayon naman sa American Heart Association.
Pero ang heart attack daw ay nangyayari kapag ang daloy ng dugo (blood flow) papunta sa puso ay nahaharangan. Samantala, ang cardiac arrest naman daw ay sanhi ng biglang pag-malfunction ng puso at tumigil ito sa pagtibok.
Samakatuwid daw, bunsod ang heart attack ng “circulation problem” at “electrical problem” naman ang cardiac arrest. Pero maaaring mauwi ang heart attack sa cardiac arrest. Sa ganyang kaso, kailangan na raw bigyan ang pasyente ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) para masalba ang kanyang buhay.
Paano makakaiwas sa heart attack?
Bago makarating sa puntong naharangan na ang blood flow papunta sa puso ng pasyente kaya siya nagkaroon ng heart attack, may ilang taon din niyang pinabayaan ang kanyang kalusugan.
Sa pagdaan kasi ng panahon, paliwanag ng Mayo Clinic, ang mga nabuong fatty deposits, gaya ng cholesterol, sa puso ay nagiging tinatawag na plaque. Ang mga plaque na iyon ang nagpapaliit ng arteries sa puso kaya sumisikip ang daluyan ng dugo hanggang tuluyan na itong maharangan.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosDiyan nagkakaroon ng mga sakit sa puso na kung tawagin ay coronary artery diseases o ischaemic heart diseases. Nitong mga nakaraang taon, ischaemic heart diseases ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng maraming Pinoy.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa taong 2020, mayroong 99.7 thousand kaso ng sakit sa puso na kumitil ng buhay. Katumbas niyan ang 17.3 percent ng total deaths sa bansa.
Ang magandang balita, sabi ni Dr. Bugarin, may mga paraan para sa management ng sakit sa puso at maiwasan ang heart attack. Unang-una raw diyan ang pagbabago ng lifestyle, kung saan tama ang diet at sapat ang exercise.
Ugaliin din daw ang checkup sa doktor, kahit pa mas inuuna ng mga nanay, halimbawa, ang pangangailangan ng pamilya. (Basahin dito ang sinasabing “hidden heart attack” na apektado ang maraming kababaihan.)
Sa grupong kinabibilangan ni Dr. Bugarin, ang Philippine Heart Association (PHA), kung saan siya tumatayong presidente, layunin nilang mga doktor na makapagbigay ng “accessible, affordable, and quality cardiovascular education and care” para sa lahat.
Mayroon din ang PHA na isinusulong na mga adbokasiya at pinapatupad na mga programa na makakatulong hindi lang bilang first aid sa atake sa puso. Ang kanilang FitHeart Minute, halimbawa, ay naglalayong magbigay ng heart health care sa loob lamang ng isang minuto.
0 Comments