Hindi Lahat Ng Sakit Sa Baga Ay May Kasabay Na Pananakit Ng Dibdib

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Kailangan ng tao ng oxygen para mabuhay. Kung wala o kulang ang oxygen sa katawan, hindi ka makakahinga nang maayos at magkukulang ka rin sa energy para makakilos. Dahil dito, napakahalagang bahagi ng katawang ang iyong mga baga o lungs.

    Kasama ang lungs sa tinatawag na respiratory system. Katulong ang ilong, bibig, lalamunan, voice box o larynx, windpipe o trachea, at diaphragm, sinisigurado ng mga baga ang tamang gas exchange para makatanggap ng sapat na oxygen ang lahat ng bahagi ng katawan at maalis ang carbon dioxide.

    Inaayos din ng respiratory system ang body temperature at nilalagyan din ng tamang dami ng moisture ang hangin para mas madali itong mai-inhale. Nakakatulong din ang malusog na respiratory system at mga baga para maayos ang pang-amoy o sense of smell.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Dahil sa mga napakahalagang function ng mga baga, dapat lang na pangalagaan ang kalusugan nila at ng buong respiratory system. Bukod pa rito, maraming uri ng sakit ang pwedeng tumama sa respiratory system — katulad na lang ng mga impeksyon, mga hereditary o namamanang sakit, allergies, at cancer. Kaya naman mahalaga talaga ang pag-iingat sa respiratory health.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Karaniwang sintomas ng mga sakit sa baga ang paninikip ng dibdib, pagbilis o pagbagal ng paghinga, at kakapusan o kahirapan sa paghinga. Pwede ring manghina o maging matamlay ang pasyente dahil sa kakulangan sa oxygen.

    Kapag nakaramdam ka ng ganitong mga sintomas, magpakonsulta sa doktor para malaman kung ano ang pwedeng gamot. Kadalasan, kung pangkaraniwan at hindi naman malala ang sakit, kaya itong gamutin ng antibiotic, antihistamine, o expectorant.

    Kung seryoso na ang kondisyon, posibleng kailanganin na ng lung transplant o iba pang klase operasyon. Kapag naramdaman o napansin ang mga sintomas na nabanggit kanina at hindi agad nawala ang mga ito, pumunta na agad sa doktor para ma-diagnose at magamot agad ang sakit.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Iba-ibang characteristics at sintomas ng mga sakit sa baga

    Kagaya ng nabanggit kanina, madalas na nahihirapang huminga ang taong may sakit sa baga. Pwedeng nahihirapan silang mag-inhale o lumanghap, o kaya naman ay parang hindi sapat ang nakukuha nilang hangin. Dagdag pa rito, pwedeng makaramdam ng pananakit o paninikip ng dibdib habang humihinga ang mga taong may sakit sa baga.

    Ilan pa sa mga sumusunod ang mga senyales ng respiratory diseases at iba pang mga characteristics ng paghinga ng isang taong may ganitong klase ng sakit:

    • Kakapusan ng hininga o pagkahingal kahit hindi naman gumawa ng mabibigat o nakakapagod na gawain.
    • Maingay na paghinga na para bang may harang o bara ang mga daanan ng hangin.
    • Pabalik-balik na pag-ubo na umaabot o lumalagpas ng isang buwan.
    • Pananakit ng dibdib na pabalik-balik at hindi malaman kung ano ang dahilan.
    • Madalas na pagkakaroon ng plema sa baga, na kadalasan ay dahil sa impeksyon.
    • Pag-ubo na may kasamang dugo.
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Tungkol naman sa pananakit ng dibdib, iba-ibang klaseng pananakit ang pwedeng maranasan. Depende ito sa kung anong respiratory disease meron ang isang tao. Pwedeng sabihin ng pasyente na parang may sumuntok sa dibdib niya, o kaya naman ay parang tinutusok. Meron ding pananakit na masasabing parang may mabigat na nakadagan sa dibdib o parang pinipilipit ang mga baga.

    Bukod sa mga ito, pwede ring may kasabay na pananakit ng likod at lalamunan ang ilang klase ng sakit sa baga. Meron ding mga sintomas na parang wala namang kinalaman sa sakit sa baga. Halimbawa, dalawa sa mga senyales ng COVID-19 ang kawalan ng panlasa at kawalan ng ganang kumain.

    Panghuli, tandaan na hindi lahat ng sakit sa baga ay may kasabay na pananakit. Sa katunayan, may mga respiratory disease na minsan ay hindi nagpapakita ng kahit anong sintomas.

    Dahil dito, magandang magpa-check-up kada dalawa o tatlong taon ang mga 50 years old pababa at taon-taon naman para sa mga mas matanda sa 50 years old at may mga health issues tulad ng diabetes at high blood pressure.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Mga pwedeng gamot sa sakit sa baga

    Nakadepende sa klase ng sakit sa baga ang gamot o remedy na pwedeng gamitin. Halimbawa, kung ubong may plema ang sakit, pwedeng bigyan ng expectorant o kaya ay mucolytic na gamot ang pasyente. Kung dry cough o paninikip ng dibdib naman ang problema, effective ang mga gamot na guaifenesin at dextromethorphan.

    Kung infection ang dahilan ng pag-ubo, antibiotic naman ang irereseta ng doktor. Samantala, para sa mga may hika, pwedeng gumamit ng mga bronchodilator.

    Tandaan na ang mga gamot na ito ay merong kanya-kanyang formulation para sa mga bata at matanda. Syempre, mas “matapang” ang gamot para sa mga matatanda.

    Bukod sa pag-inom ng mga gamot, marami ring home remedy para sa ubo, sakit sa lalamunan, at iba pang sintomas o sakit sa baga.

    Home remedy para sa mga bata

    • Pag-inom ng honey o tubig na may honey. Ayon sa ilang research, nakakatulong ang honey para mabawasan ang pag-ubo. Tandaan lang na hindi recommended sa mga batang wala pang 1 year old ang pag-inom ng honey.
    • Paggamit ng humidifier. Isa sa mga sanhi ng pag-ubo at kakapusan ng hininga ay ang kakulangan ng moisture sa hangin. Subukang gumamit ng humidifier para mas madaling langhapin ang hangin sa paligid.
    • Pag-inom ng tubig. Importante ang tubig at hydration para malabanan ang kahit anong sakit. Dagdag pa rito, kapag basa ang lalamunan at airways, mas madaling makadaan ang hangin kaya naman mas lumuluwag din ang paghinga.
    • Pagmasahe sa dibdib. Nakakatulong ang marahang pagmamasahe sa dibdib ng isang bata para mabawasan ang sakit at paninikip ng dibdib dulot ng ubo.
    • Pagmumumog ng maligamgam na tubig na may kaunting asin. Kung marunong na ang batang mag-gargle, pwedeng makatulong ang maligamgam na tubig na may asin sa pagpapaginhawa ng pananakit ng lalamunan at mabawasan ang dalas ng pag-ubo.
    • I-elevate ang ulo kapag nakahiga. Para sa mga batang 2 years old pataas, nakakatulong magpaluwag ng paghinga kung medyo nakataas ang ulo kapag nakahiga o natutulog. Hindi kasi advisable sa mga baby at batang wala pang 1.5 hanggang 2 years old ang matulog nang may unan.
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Home remedy para sa mga matatanda

    Karamihan sa mga nabanggit na home remedy para sa mga bata ay pwede ring gamitin para sa mga matatanda. Bukod sa mga ito, narito pa ang ilang pwedeng gawin para mabawasan ang mga discomfort na dala ng ubo at respiratory issues.

    • Paglanghap ng steam. Ang paglanghap ng steam galing sa mainit na tubig ay nagpapaluwag sa baradong ilong at baga. Maglagay ng bagong-kulong tubig sa isang palanggana, magtalukbong ng towel, at langhapin ang usok. Pwede rin itong gawin sa mga bata pero siguraduhing may nakabantay para makaiwas sa pagkapaso at ilang aksidente.
    • Pag-inom ng salabat. Maraming benepisyo ang luya at salabat sa kalusugan, kasama na rito ang pagpapaginhawa ng ubo. Pinipigilan kasi ng luya ang mga baga na maglabas ng mucus, kaya napapabilis ang paggaling.
    • Mga breathing exercises. Nakakatulong ang breathing exercises para mabawasan ang kakapusan ng hininga. Maraming klase ng breathing exercises kaya itanong muna sa doktor kung ano ang pinakabagay sa kondisyon mo.
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Dapat tandaan na ang mga home remedy na ito ay para lamang sa mga kondisyong gaya ng ubo at sipon. Kung malalang klase ng respiratory disease ang nararanasan, madalas ay kailangang sumailalim na sa operasyon o gumamit ng makina tulad ng ventilator para makahinga nang maayos.

    Kasama ang lung transplant, pulmonary rehabilitation, oxygen therapy, at chest tube thoracostomy sa mga procedure na pwedeng gawin para sa mga pasyenteng may respiratory disease.

    Mga sanhi at risk factor ng sakit sa baga

    Maraming sanhi ang mga sakit sa baga. Kasama na rito ang mga virus at bacteria, usok mula sa sigarilyo o mga sasakyan, air pollution, paglanghap ng asbestos fibers, at mga hazardous gas tulad ng radon, carbon monoxide, at nitrogen dioxide.

    Samantala, nakalista naman sa ibaba ang ilan lamang sa mga risk factor sa pagkakaroon ng respiratory diseases:

    • exposure sa maruming hangin
    • paninigarilyo at paglanghap ng second-hand smoke
    • history ng mga sakit sa baga at respiratory system sa pamilya
    • mga congenital na kondisyon
    • pagkakaroon ng sakit ng ina habang nagbubuntis
    • komplikasyon sa panganganak
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Kung mapapansin, merong mga risk factor na pwedeng maiwasan at meron ding hindi kayang maagapan. Kaya naman hangga’t maaari, iwasan ang mga pwedeng iwasan para hindi dumagdag ang peligro na magkaroon ng respiratory diseases.

    Paano iwasan ang mga sakit sa baga?

    Maraming built-in na defense system ang mga baga para malinis at maprotektahan ang kanilang sarili. Gayunpaman, may magagawa pa rin tayo para maiwasan ang pagkakaroon ng mga respiratory disease. Kasama na rito ang mga sumusunod:

    Para sa mga bata:

    • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay. Iwasan din ang madalas na paghawak sa mukha kung hindi pa nakakapaghugas ng kamay.
    • Bawasan ang exposure sa air pollution.
    • Umiwas sa mga taong naninigarilyo.
    • Magsipilyo nang maayos dalawang beses sa isang araw. May mga respiratory disease na minsan ay nade-develop galing sa mga impeksyon o sakit sa bibig at ngipin.
    • Pabakunahan sila laban sa pneumonia (PCV).
    • Pabakunahan sila laban sa flu taon-taon.

    Para sa mga matanda:

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Bukod sa mga nabanggit sa itaas, may iba pang magagawa ang mga matatanda para maiwasan ang mga respiratory disease.

    • Iwasan ang paninigarilyo.
    • Mag-exercise.
    • Magpabakuna laban sa flu kada taon.
    • Magsuot ng mask kung may sipon at ubo para hindi makahawa.

    Tulad ng nabanggit kanina, importante rin na magpa-check-up para malaman kung merong sakit sa baga. May ilang sakit na hindi nagpapakita ng sintomas kaya naman lumalala na lamang ang mga ito nang hindi napapansin.

    Iba-ibang uri ng respiratory disease

    Bata man o matanda ay pwedeng magkaroon ng sakit sa baga. Merong mga sakit na namamana, at meron din namang nakukuha dahil sa lifestyle. Ilan sa mga pinakakaraniwang respiratory disease ang mga sumusunod: 

    Hika

    Ang hika o asthma ay isang kondisyon kung saan namamaga at kumikipot ang airways ng respiratory system. Nagdudulot din ang hika ng pamumuo ng plema sa baga, kaya naman nahihirapang huminga ang mga taong may ganitong sakit. Meron ding tinatawag na occupational asthma, kung saan nade-develop ang hika dahil sa exposure sa mga chemical, asbestos, at iba pa.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Sipon at ubo

    Ang sipon ay dulot ng cold virus na umaatake sa upper lungs, lalamunan, at mga sinus. Samantala, maraming pwedeng dahilan ang ubo. Kasama na rito ang hika, allergy, bronchitis, at acid reflux.

    Bronchitis

    Kapag meron kang bronchitis, namamaga ang mga bronchial tube na dinadaanan ng hangin. Nagdudulot ito ng ubong may malagkit na plema.

    Influenza

    Kilala rin sa tawag na flu o trangkaso ang influenza. Isa itong nakakahawang sakit na nagdudulot ng impeksyon sa ilong, lalamunan at baga. Kapag hindi naagapan ay pwedeng makamatay ang influenza. Sa kabutihang palad, may bakuna laban dito.

    Pneumonia

    Mas kilala sa Tagalog na pulmonya ang sakit na ito, na pwedeng maidulot ng bacteria o virus. Kapag meron kang pneumonia, namamaga ang mga bahagi ng baga at naiipon ang mga fluid at nana dito. Ito ang nagdudulot ng hirap sa paghinga ng mga pasyente.

    Chronic obstructive pulmonary disease o COPD

    Ang COPD ay isang grupo ng mga sakit na nagdudulot ng bara sa baga. Kasama sa mga sakit na ito ang bronchitis at emphysema. Kadalasang sanhi ng COPD ang paninigarilyo, pero pwede ring magkaroon nito ang mga taong hindi naninigarilyo.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Asbestosis

    Kapag nakalanghap ka ng mga fibers ng asbestos, pwede kang magkaroon ng asbestosis. Madalas, mga construction workers ang nagkakaroon ng ganitong sakit dahil may mga construction materials na may kasamang asbestos katulad ng mga fire-proofing at insulation materials. Pwedeng mauwi sa mesothelioma, isang uri ng cancer, ang asbestosis.

    Whooping cough

    Tinawag na whooping cough ang sakit na ito dahil sa tunog na nagagawa ng pag-ubo ng pasyente. Ang clinical term sa whooping cough ay pertussis. May bakuna para sa sakit na ito na tinatawag na DTaP vaccine o kaya naman ay DPT.

    Tuberculosis

    Ang tuberculosis o TB ay isang nakakahawang sakit sa baga na dulot ng bacteria. Mabilis makahawa ang sakit na ito at pwede ring kumalat sa ibang parte ng katawan tulad ng utak, spine, at kidney. Ang BCG vaccine ay ibinibigay sa mga bata para maiwasan ang TB, pero hindi na ito mabisa sa mga matatanda. Sa ngayon, patuloy pa rin ang research para magkaroon ng effective na TB vaccine.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Sources:

    American Lung Association, MedlinePlus, World Health Organization, The Lung Association, Healthline, Medical News Today

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments